Isinagawa ang araw ng Yugto ng Alaga, Kalinga, at Aruga ng Pamahalaan (YAKAP) Program sa bayan ng Sofronio Española, nito lamang Oktubre 10, 2025 kasabay ng 2025 MIMAROPA Infoserve Caravan, na naglalayong maghatid ng iba’t ibang serbisyong medikal at panlipunan sa mga mamamayan, lalo na sa mga katutubong komunidad ng Palawan.

Sa temang “Serbisyong Wasto, Palaweño Sigurado,” layunin ng YAKAP Program na mailapit sa mga mamamayan ang tapat at de-kalidad na serbisyo mula sa pamahalaang panlalawigan. Pinangungunahan ito ni Gobernadora Amy Roa Alvarez, bilang bahagi ng kaniyang adbokasiya sa ilalim ng PALAWAN+PLUS Development Agenda, na nagbibigay-priyoridad sa serbisyong pangkalusugan at kapakanan ng bawat Palaweño.

Dinaluhan ang pagbubukas ng programa ni Gobernadora Alvarez, kasama si Mayor Abner Rafael N. Tesorio ng Sofronio Española, Office of the Governor Executive Assistant Carlo A. Buitizon, Provincial Social Welfare and Development Officer Abigail D. Ablaña, at ilang kasapi ng Sangguniang Panlalawigan.

Katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa aktibidad ang mga miyembro ng Regional Population and Development Coordinating Committee (RPDCC), sa pangunguna ni DEPDev MIMAROPA Regional Director Agustin C. Mendoza, RPDCC Chairperson, at Commission on Population and Development Regional Director Reynaldo O. Wong.

Nag-alay ng libreng serbisyong medikal, dental, at konsultasyon, pati na rin ang pamamahagi ng mga tulong at impormasyon ukol sa iba’t ibang programa ng pamahalaan para sa mga mamamayan.

Ang YAKAP Program ay isa sa mga inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na patuloy na inilulunsad sa iba’t ibang bayan sa lalawigan upang matiyak na ang bawat Palaweño, saan mang bahagi ng Palawan, ay may akses sa de-kalidad na serbisyo at kalinga ng pamahalaan.

Source: Palawan Island Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *