Iba’t ibang makabuluhang aktibidad ang inihanda ng Provincial Jail Management Division (PJMD) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week noong Oktubre 7, 2025.

Sa layuning magbigay inspirasyon, kaalaman, at suporta sa personal na pag-unlad ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs), isinagawa ang mga aktibidad tulad ng sports events, skills training, medical at dental missions, at spiritual programs. Ang mga ito ay nakatuon sa pagbibigay ng bagong pag-asa at oportunidad sa mga PDL habang sila ay nasa loob ng piitan.

Dumalo sa programa si Atty. Queen Harra Sheigila Pantanosas, bilang kinatawan ni Governor Amy Roa Alvarez, upang ipaabot ang mensahe ng suporta ng pamahalaang panlalawigan sa mga PDL at mga kawani ng PJMD.

“Sa pamumuno ni Governor Amy Roa Alvarez, patuloy na itinataguyod ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang uri ng pamumunong makatao, inklusibo, at mapagbagong-buhay — pamumunong naniniwala na ang bawat buhay ay mahalaga at may kakayahang magbago,” pahayag ni Atty. Pantanosas.

Ang National Correctional Consciousness Week ay taunang ginugunita upang paigtingin ang kamalayan ng publiko at pamahalaan sa kahalagahan ng rehabilitasyon, pagbabago, at reintegrasyon ng mga PDL sa lipunan. Isa rin itong pagkilala sa dedikasyon ng mga kawani ng correctional facilities sa kanilang tungkulin.

Sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito, umaasa ang PJMD na mapalakas ang loob at pag-asa ng mga PDL, at mapatunayang ang bawat isa ay may pagkakataon para sa pagbabagong-buhay.

Source: Palawan Island Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *