Hindi na gaanong mabigat ang gastusin sa pagkain para sa mahigit 1,000 benepisyaryo ng Walang Gutom Program mula sa Albay, Camarines Sur, at Sorsogon matapos nilang matanggap ang kanilang buwanang food supply nito lamang Agosto 7, 2025.

Ang “Walang Gutom Program” ay isang pangunahing inisyatiba ng ating pamahalaan na naglalayong labanan ang gutom at masiguro na ang mga pamilyang may hindi sapat o mababang kita ay may access sa sapat at masustansyang pagkain.

Ang mga benepisyaryo ay mula sa magkakasabay na Food Redemption Activities ng programa sa Tiwi, Oas, at Legazpi sa Albay; Bombon, Goa, at Iriga City sa Camarines Sur; at Prieto Diaz at Magallanes sa Sorsogon.

Malaking tulong ang natanggap nilang food basket sa pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan sa pagkain ng kanilang mga sambahayan na isa ring hakbang upang mapagaan ang kanilang gastusin.

Kamakailan din, mula 5-6 Agosto sa pangunguna ni Regional Director Norman S. Laurio, naipamahagi na rin ang mga food baskets sa ilan pang mga bahagi ng rehiyon, partikular sa Tabaco, Guinobatan, at Sto. Domingo sa Albay; Bato, Bula, at Canaman sa Camarines Sur; at Sirangan at Cariguran sa Sorsogon.

Ang aktibidad na ito ay bahagi pa rin ng patuloy na misyon ng ahensiya na wakasan ang kagutuman sa bansa.

Source: DSWD Field Office V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *