Matagumpay ang isinagawang power-up, machine testing, at unang refilling ng 12 oxygen tanks para sa bagong Oxygen Generator ng lalawigan ng Romblon nitong Agosto 7, 2025 — isang makasaysayang hakbang para sa pagpapalakas ng serbisyong medikal sa lalawigan.
Dumalo sa aktwal na inspeksyon at pagsisimula ng operasyon sina Dr. Arunulfo De Luna, OIC ng Office of the Governor Sub-Office sa Tablas; Sir Rey Penero mula sa JEORGIAMED Biomedical Services and Supply; mga kinatawan mula sa Provincial Health Office (PHO); at TIELCO, na tumulong sa teknikal na aspeto ng power connection ng makina.

Sa loob lamang ng tatlong oras, napuno ang lahat ng 12 tangke, patunay na handa na ang makina na magsuplay ng kinakailangang oxygen para sa mga pampublikong ospital sa buong lalawigan. Batay sa inisyal na pagsusuri, nakapagtala ang makina ng 93% oxygen purity, habang ang source oxygen purity ay umabot sa 98.8%— indikasyon ng mataas na kalidad ng produktong inilalabas nito.
Bagama’t matagumpay ang unang yugto ng operasyon, hindi pa agad ito magagamit ng mga ospital dahil kinakailangan pang dumaan sa masusing testing, calibration, at iba pang technical adjustments upang matiyak ang kaligtasan at kahusayan ng operasyon sa pangmatagalang paggamit.
Ang pagkakaroon ng sariling oxygen generator ay isang malaking hakbang patungo sa self-sufficiency ng lalawigan pagdating sa medical oxygen supply, lalong-lalo na sa panahon ng krisis. Inaasahang sa mga darating na linggo ay magiging ganap na operational ito at mapapakinabangan ng mga pampublikong ospital sa buong Romblon.
Source: Romblon Provincial Information Office