Isinagawa ang kauna-unahang IT-BPM Career Fair sa lalawigan ng Palawan na inorganisa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at City PESO ngayong Araw, Agosto 7, 2025 sa Robinsons Place Palawan.

Layon ng aktibidad na bigyang pagkakataon ang mga Palaweñong job seekers, partikular na ang mga nagtapos ng kursong may kinalaman sa Information Technology (IT), na makapasok sa Information Technology and Business Process Management (IT-BPM) industry.

May kabuuang 11 kumpanya mula sa lokal at pambansang antas ang lumahok sa job fair, kabilang na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na aktibong nakikiisa bilang isa sa mga employer.

Ayon kay Engr. Rhea J. Paitan, Provincial Director ng DOLE Palawan, ito ang kauna-unahang job fair sa lalawigan na nakatuon lamang sa IT sector. Aniya, mahalaga ang ganitong mga inisyatibo upang ang mga lokal na IT graduates ay hindi na kailangang mangibang-bansa para makahanap ng magandang oportunidad sa kanilang larangan.

“Malaki ang maitutulong nito sa pagpigil ng brain drain. Sa panahon ngayon, teknolohiya na ang nagpapaandar sa ekonomiya ng mga bansa. Kaya dapat lang na bigyang pansin at suporta ang ating mga IT professionals,” dagdag pa ni Engr. Paitan.

Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na hakbang ng gobyerno upang mapalawak ang oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng digital economy.

Source: Palawan Island Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *