Dinagsa ng mga mamamayan ang pagbubukas ng Static Display ng Coast Guard District Palawan (CGDPAL) noong Agosto 4, 2025 sa SM City Puerto Princesa, bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng Philippine Coast Guard (PCG) na ipakilala ang kanilang mandato at hikayatin ang mga kabataang sumali sa serbisyo.

Tampok sa exhibit ang iba’t ibang makabagong kagamitan na ginagamit ng Coast Guard sa kanilang mga operasyon, kabilang ang mga opisyal na uniporme, specialized equipment, at armas. Layunin ng aktibidad na bigyang-kaalaman ang publiko sa mga tungkulin at kakayahan ng PCG, pati na rin ang pagpapalawak ng kaalaman ng mga kabataan na nais tumahak sa landas ng pagiging isang Coast Guardian.

Bukod sa mga nakadisplay na kagamitan, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga bisita na magpakuha ng larawan kasama ang mga Coast Guardian na naka-duty sa exhibit area. Ito ay naging patok sa mga pamilya, estudyante, at maging sa mga turista na dumaan sa mall.

Isa rin sa mga highlights ng aktibidad ay ang recruitment booth ng PCG, kung saan maaaring kumonsulta ang mga interesadong aplikante hinggil sa proseso ng pagsali sa serbisyo, mga kwalipikasyon, at benepisyong naghihintay sa mga bagong miyembro ng Coast Guard.

Ayon kay John Tumalac, tagapagsalita ng CGDPAL, layunin ng exhibit na mas mailapit ang serbisyo ng Coast Guard sa publiko at mapalakas ang ugnayan nito sa komunidad.

Ang Static Display ay bukas sa publiko hanggang sa pagtatapos ng linggo, kaya’t inaanyayahan ang lahat na bumisita, magtanong, at makilahok sa mga inihandang aktibidad ng Philippine Coast Guard.

Source: Palawan Island Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *