Isang makasaysayang araw ang ginanap sa Municipal Compound ng Narra, Palawan, kung saan isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Narra Crisis Center at ang opisyal na paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mga partner agencies noong Hulyo 28, 2025.
Ang proyekto ay bunga ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor at organisasyon, kabilang ang Aloha House, SINAG Psychological Services, at Bahay ni Nanay Maddalena Starace. Sa pamamagitan ng MOA signing, pormal na pinagtibay ang kanilang suporta at partisipasyon sa pagpapatakbo at pagpapalawig ng serbisyo ng itatayong crisis center.
Ang Narra Crisis Center ay inaasahang magsisilbing ligtas na kanlungan para sa mga indibidwal na dumaranas ng pang-aabuso, krisis sa kalusugang pangkaisipan, o iba pang matitinding suliranin. Layunin nitong maghatid ng agarang tulong, proteksyon, at rehabilitasyon sa mga biktima, at magsilbing sentro ng pag-asa sa komunidad.
Pinangunahan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang nasabing kaganapan, sa pangunguna ng butihing Mayor Gerandy B. Danao, Vice Mayor Edmond Gastanes, at mga kasapi ng Sangguniang Bayan. Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa mga partner organizations, mga opisyal ng pamahalaang lokal, at iba pang stakeholder na may malasakit sa kapakanan ng mamamayan.
Ang pagsasakatuparan ng proyektong ito ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng lokal na pamahalaan at mga katuwang na organisasyon na tugunan ang mga suliraning panlipunan, at tiyakin ang karapatang pantao ng bawat Narrahanon.
Inaasahang mas mapapalawak pa ang saklaw ng serbisyong panlipunan sa bayan ng Narra sa pamamagitan ng pagtatag ng crisis center na ito, na magiging kauna-unahan sa lalawigan.
Source: Municipality of Narra Palawan