Patuloy ang walang humpay na pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa mga pangangailangan ng mga mamamayang naapektuhan ng sunod-sunod na bagyong nanalasa sa lalawigan.

Kamakailan, isinagawa ang repacking ng mga sako-sakong bigas na donasyon ni Senator Erwin Tulfo, bilang bahagi ng relief operations ng lalawigan. Ang aktibidad ay isinakatuparan sa pakikipagtulungan ng mga volunteers mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kabilang na ang Philippine Navy Reserve sa pamumuno ni Dr. Arnulfo De Luna, at mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan.

Dahil sa masigasig na pakikipag-ugnayan ni Governor Josefina “Trina” Firmalo-Fabic, naging posible ang pagdating at pamamahagi ng tulong sa mga pamilyang lubos na naapektuhan ng kalamidad sa iba’t ibang bayan ng Romblon.

Ang repacking ng bigas ay bahagi ng programang “Serbisyong May Puso” na layuning maiparamdam sa bawat Romblomanon na hindi sila nag-iisa, lalo na sa oras ng kagipitan. Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, sinisikap ng pamahalaan na mapagaan kahit paano ang dinaranas na hirap ng mga nasalanta.

Patunay ito ng pagkakaisa at malasakit ng buong lalawigan sa panahong kinakailangan ang bayanihan at mabilis na aksyon.

Source: Romblon Provincial Information Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *