Ipinamalas ng isang airport facility cleaner ang kahanga-hangang katapatan matapos isauli ang isang sling bag na kanyang nakita sa loob ng comfort room ng Puerto Princesa International Airport noong ika-12 ng Hulyo 2025. Ang bag ay naglalaman ng humigit-kumulang Php10,000, isang mamahaling cellphone, mga identification cards, at iba pang personal na gamit.

Kinilala ang tapat na empleyado na si Allan Macolor Martinez, na matagal nang nagtatrabaho bilang cleaner sa paliparan. Ayon sa ulat ng PNP Aviation Security Unit 4, nakatanggap sila ng tawag mula sa Liason Officer ng Sabang Chinese Temple na humihingi ng tulong para mahanap ang bag ng isang negosyanteng Chinese national na si Xu Ziyi mula sa Fujian, China. Agad na tumugon ang mga tauhan ng PNP AVSEU 4 at nakipag-ugnayan sa Airport Police Station at CAAP–CSIS, kung saan natunton ang bag na naiturn-over na ni Martinez sa Lost and Found Section.

Lubos ang pasasalamat ng dayuhang negosyante sa pagkakabawi ng kanyang mga gamit, habang pinuri naman ni PNP AVSEU 4 Chief PCol. Alex Dimaculangan ang ipinamalas na katapatan ni Martinez at ang mabilis na aksyon ng mga personnel ng PPIAPS. Ayon kay Dimaculangan, ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng epektibong pagtugon ng PNP 911 Hotline at nananawagan din siya sa publiko na gamitin ang serbisyo sa oras ng pangangailangan.

Sa panig naman ni Martinez, ibinahagi niya na sa mahigit 15 taon niyang serbisyo sa airport ay hindi na bago sa kanya ang ganitong pangyayari. Aniya, ilang ulit na rin siyang nakakapulot ng mga gamit tulad ng bag na may lamang P60,000, ngunit hindi raw kailanman sumagi sa kanyang isip ang pag-angkin nito. Para sa kanya, ang pagiging tapat ay hindi dapat nakabase sa halaga ng natagpuan kundi sa prinsipyong dapat ay laging isabuhay.

Ang ganitong klase ng kabutihang-asal ay tunay na nagbibigay ng pag-asa at inspirasyon sa publiko. Sa gitna ng mga pagsubok at negatibong balita, ang kwento ni Martinez ay paalala na marami pa rin ang marangal, tapat, at may malasakit sa kapwa.

Source: Palawan News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *