Noong Hulyo 13, 2025, matagumpay na nakapag-ani ang mga partner-beneficiaries ng Project LAWA at BINHI mula sa Barangay Datag West, Datag East, at Bocon (DABOWA), Caramoran, Catanduanes ng kabuuang 26.5 kilo ng pechay, na naibenta naman sa kanilang mga kapitbaha sa halagang PHP 1,370.
Bahagi ang proyekto ng Cash-for-Work (CFW) activity ng DSWD na naglalayong palakasin ang kabuhayan at katatagan ng mga komunidad sa pamamagitan ng communal gardening.
Ang ibig sabihin ng LAWA ay Local Adaption to Water Access at ang BINHI naman ay Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished. Ang Project LAWA at BINHI ay proyekto at inisyatibo ng DSWD na may layuning agapan ang matinding epekto ng El Niño, at panatilihing may sapat na pagkain ang bawat komunidad kahit may malubhang tagtuyot.
Tinuturuan ng proyektong ito ang bawat isa para maging handa sa masamang dulot ng pagbabago ng panahon.
Sa layuning sugpuin ang kagutuman at magkaroon ng pangmatagalang suplay ng kabuhayan at pagkain, patuloy ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office– Bicol sa pagpapatupad ng mga makabuluhang programa at serbisyo, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pangunguna ni DSWD Secretary Rex T. Gatchalian, upang maipadama ang ngiti at ginhawa sa bawat pamilyang Bicolano.
Source: DSWD Regional Office V