Mainit na pagmamahal sa wikang sariling atin ang ipinakita ng mga kabataan ng Barangay Malamig, sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa aktibidad na pinamagatang “Batang Makabayan: Wika at Pagbasa, ating Pahalagahan”, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2024 na nakaangkla sa temang “Filipino, Wikang Mapagpalaya”, na ginanap sa Barangay Malamig Reading Center, nitong ika-31 ng Agosto 2024.
Naisakatuparan ang makabuluhang aktibidad sa pangunguna ni G. Malou Morillo, Alkalde ng Munisipalidad katuwang ang Sangguniang Barangay at Kabataan ng Malamig, sa pamumuno ni Punong Barangay, Hon. Norwin V. Lizardo, at Punong Sangguniang Kabataan, Hon. Jericho S. Ogang.

Binigyang daan dito ang iba’t ibang mga gawain katulad ng “Malayang Pagbasa gamit ang wikang Filipino” at “Arts & Crafts Workshop”, sa pamamagitan ng City Public Library of Calapan, sa pamumuno ni City Librarian Ms. Claire P. Benter, RL, MLIS.
Layunin ng aktibidad na ito na mapahalagahan at matutukan ang kinabukasan ng mga kabataan, kaya naman isinulong sa lungsod ang Brigada Pagbasa, at TAMAng Aklat para sa Lahat Program, gayundin ang pamamahagi ng mga TAMAng school supplies, para sa mga batang mag-aaral.
Source: Tatak Calapeño