Bumisita sa tanggapan ni Punongbayan Henry Joel Teves ang mga mag-aaral ng Porfirio G. Comia, Memorial National High School (COMENHI) nito lamang Hulyo 23, 2024 upang personal na magpasalamat sa tulong na ipinagkaloob ng Punongbayan sa kanilang naging laban sa 2024 National Schools Press Conference (NSPC) na ginanap sa Carcar City, Cebu noong Hulyo 8-12, 2024.

Ang mga mag-aaral na ito ay kabilang sa mga pinakamahusay sa buong Pilipinas at nagkamit ng mga karangalan sa nasabing kompetisyon.

Ang kanilang tagumpay ay kinabibilangan ng kampeonato sa Collaborative Desktop Publishing (CDP) – Secondary (Filipino) na kategorya, ikalawang puwesto sa Sports Writing – Secondary (English) na kategorya, at ikaapat na puwesto sa Pahinang Agham at Teknolohiya (Best Science and Technology Section) sa kategoryang Sekundarya (Filipino).

Kasama ng mga naturang mag-aaral ang kanilang mga guro na nagsilbing coaches at gabay upang makamit ang mga karangalang ito.

Sa kanilang pagbisita, ipinahayag ng mga mag-aaral ang kanilang taos-pusong pasasalamat kay Punongbayan Teves para sa suporta at tulong na kanilang natanggap.

Lubos naman ang paghanga at pagbati sa kanila ni Punongbayan Teves at kanyang ipinahayag ang kaniyang kasiyahan at pagmamalaki sa mga nagawa ng mga mag-aaral at nangakong laging bukas ang kaniyang tanggapan upang suportahan ang kanilang mga susunod pang laban.

Dagdag pa niya, patuloy siyang magiging kaagapay ng mga mag-aaral upang makapagdala pa ng karangalan sa Bayan ng Naujan.

Ang tagumpay na ito ng mga mag-aaral ng COMENHI ay patunay ng kanilang dedikasyon at husay sa larangan ng pamahayagan, at isang inspirasyon para sa kanilang kapwa kabataan.

Source: Naujan Public Information Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *