Nakiisa si Gerandy B. Danao, Municipal Mayor kasama si Edmond “Jojo” Gastanes, Executive Assistant/Acting Municipal Administrator sa pormal na pagbubukas ng Brigada Eskwela 2024 na may temang “Bayanihan para sa Matatag na Paaralan” nito lamang Hulyo 22, 2024.
Unang tinungo ni Mayor Gerandy B. Danao at Administrator Jojo Gastanes ang Upper Lapu-lapu Elementary School (ULLE) upang makiisa sa nasabing aktibidad.

Ginamit sa paglilinis dito ang dalawang bagong Grass Cutter na ipinagkaloob ng LGU-Narra, na nagbigay ng malaking tulong sa mas mabilis at episyenteng paglilinis ng paaralan.
Sunod namang pinuntahan ng grupo ng opisyal ang Antipuluan Elementary School (AES) upang magsagawa rin ng paglilinis para sa pormal na pagbubukas ng klase ngayong taong 2024.
Ang kanilang presensya at pakikiisa ay nagbigay inspirasyon sa mga guro, magulang, at mag-aaral na makilahok sa programa ng Brigada Eskwela.
Bukod sa paglilinis, inilapit rin ng mga guro kay Mayor Danao at Acting Municipal Administrator Gastanes ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang paaralan para sa pagsisimula ng klase.

Ang kanilang mga kahilingan ay agad na tinugunan ng mga opisyal, na nagpakita ng tunay na diwa ng bayanihan at pagmamalasakit sa edukasyon.
Ang Brigada Eskwela ngayong taon ay muling nagpatunay sa kahalagahan ng pagtutulungan para sa ikabubuti ng ating mga paaralan.
Ang aktibong pakikilahok ng mga opisyal ng bayan, mga guro, magulang, at mag-aaral ay isang patunay na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, maipagpapatuloy ang pagpapaunlad ng ating mga paaralan at masisiguro ang magandang kinabukasan ng mga kabataan.
Source: Municipality of Narra-Palawan