Tumanggap ng Bagong Pilipinas Mobile Clinic mula sa Department of Health (DOH) at Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Pamahalaang Panlalawigan ng Catanduanes nitong Hulyo 18, 2024.
Personal itong tinanggap ni Gov. Joseph ”Boboy” Cua, kasama ang Provincial Health Officer Hazel A. Palmes sa labas ng Provincial Capitol Lobby.

Ang bagong mobile clinic ay naglalaman ng iba’t ibang medical equipment tulad ng x-ray, ultrasound, 12-lead EGC, cholesterol and glucose monitors, clinical hermatology analyzer, microscope, spirometer, generator at infrared forehead thermometer.
Taos-pusong ipinaabot naman ni Gov. Joseph “Boboy” Cua ang pasasalamat kay President Marcos, First Lady Liza Marcos, at sa DOH sa pagkakaloob sa lalawigan ng nasabing mobile clinic.

Ayon Kay Gov. Cua, malaking tulong ang mobile clinic na ito dahil mas mapapadali na ang paghatid ng libreng serbisyong medikal sa mga Catandunganong nakatira sa mga malalayong lugar sa probinsiya.
Makapagbibigay rin ito ng pagkakataon na matugunan ang kanilang pangangailangang pangkalusugan nang hindi na kinakailangang bumiyahe nang malayo.

Napag-alaman mula sa Presidential Communications Office na tatanggap ng makabagong mobile clinic ang lahat ng probinsya sa bansa bilang bahagi ng layunin ng pamahalaan na Bagong Pilipinas na makapagbigay ng libreng laboratoryo, konsultasyon at gamot para tugunan ang pangangailangang medikal sa lahat ng Pilipino sa bansa.