Nagsagawa ang Department of Trade and Industry (DTI) ng isang espesyal na pagsasanay na naglalayong pataasin ang kalidad at kalinisan ng mga produktong pagkain ng mga lokal na food processors at manufacturers sa San Jose nito lamang Mayo 29, 2024.
Pinangunahan nina Ms. Mylene G. Parilla ng DTI at Ms. Sharon N. Ligaya ng Municipal Health Office (MHO) ang programa bilang mga resource speakers.

Ibinahagi nila ang mga mahahalagang tips at kaalaman ukol sa Food Safety Management at ang tamang pamamaraan ng pagdisenyo ng packaging at label ng mga produkto.
Idinaos ang naturang training sa MDRRMO Operations Center at dinaluhan ng maraming kalahok mula sa iba’t ibang sektor ng industriya ng pagkain.
Ayon kay Ms. Parilla, napakahalaga ng pagsunod sa tamang proseso ng food safety upang matiyak na ligtas at mataas ang kalidad ng mga pagkain bago ito makarating sa merkado. Ibinahagi niya ang mga hakbang sa tamang paghawak, pag-iimbak, at pagproseso ng mga pagkain upang maiwasan ang kontaminasyon at mapanatili ang kalinisan nito.

Ang naturang pagsasanay ay bahagi ng programa ng DTI na layuning palakasin ang kakayahan ng mga lokal na negosyante sa industriya ng pagkain. Sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad, inaasahan ng DTI na mas mapapabuti ang kalidad ng mga lokal na produkto at mapalawak ang kanilang merkado.
Lubos ang pasasalamat ng mga dumalo sa mga mahahalagang kaalaman at karanasan na kanilang natutunan mula sa mga eksperto. Ayon sa kanila, malaking tulong ito sa pagpapalago ng kanilang mga negosyo at sa pagtugon sa mga pamantayan ng kalidad at kaligtasan ng pagkain.
Source: LGU San Jose, Occidental Mindoro – Municipal Information Office