Idinaos ang pagbubukas ng bagong Multi-Purpose building ng Gloria Central School sa Barangay Maligaya noong ika-20 ng Abril 2024.
Pinangunahan ni Rev. Father Buhay Villaluna, kasama si Bonz Dolor, Governor at Romeo Edward "Rambo" Alvarez, Acting Mayor, ang ribbon cutting para sa bagong pasilidad na magiging sentro ng mga aktibidad ng Parents, Teachers Association (PTA). Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang mga dumalong opisyal ng Sangguniang Bayan ng Gloria, mga kagawad ng Barangay Maligaya, mga guro, at mga magulang ng mga mag-aaral ng Gloria Central School.
Ang proyektong ito ay matagal nang pangarap ng paaralan upang magkaroon ng mas maayos na pasilidad para sa mga pagpupulong at iba't ibang gawain ng PTA.

Ayon kay Public District Supervisor Lucena Manalo, ang bagong building ay magiging daan upang mas mapalakas ang ugnayan ng mga magulang at mga guro sa pagsuporta sa mga programa na naglalayong mapabuti ang kalidad ng edukasyon para sa mga mag-aaral.
Ipinahayag din ni Governor Bonz Dolor ang kanyang kasiyahan sa proyekto at ipinangako na maglalaan ng pondo para sa pagpapagawa ng bleachers sa lugar.

Ang okasyong ito ay hindi lamang isang pagdiriwang ng bagong pasilidad kundi pati na rin isang pagpapatibay ng komunidad sa pagtutulungan para sa ikauunlad ng edukasyon.
Source: Provincial Information Office – Oriental Mindoro