Sinimulan ng DSWD Bicol ang pamamahagi ng Social Pension for Indigent Senior Citizens Program (SocPen) ngayong taon sa Ragay, Camarines Sur. Ito ang unang SocPen payout sa Bicol Region, kasunod ng pagtaas ng buwanang pensyon mula Php500 kada buwan hanggang Php1,000.
May kabuuang 3,390 indigent senior citizens mula sa bayan ng Ragay, Camarines Sur ang nakatanggap ng kanilang first-semester pension. Personal na pinangasiwaan ni Regional Director Norman S. Laurio ang payout na nagsimula noong Marso 24 hanggang Marso 26, 2024.

Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng kabuuang Php6,000 na sumasaklaw sa anim na buwang pensyon ng isang indigent senior citizen para sa unang semestre ng 2024. Karamihan sa mga benepisyaryo ay nagpahayag ng kanilang kagalakan sa tumaas na halaga ng pensyon na maaari nilang magamit para sa kanilang medikal at pangunahing pangangailangan.

Ang Social Pension ay isa sa mga programang ipinatupad ng DSWD na naglalayong maibsan ang hirap ng mga kwalipikadong senior citizen at matulungan sila sa kanilang mga medikal na pangangailangan. Kabilang dito ang mga mahihirap na senior citizen na hindi tumatanggap ng anumang pensiyon, kita, o regular na suporta mula sa pamilya para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Source: DSWD Bicol